Hinimok ni Health Secretary Francisco Duque III sa publiko na magpabakuna laban sa iba’t ibang uri ng sakit sa darating na World Immunization Week, na magsisimula sa Abril 24 hanggang 30.
Partikular na pinatutungkulan ni Duque sa apela niyang ito para sa mga sanggol, buntis at mga nakatatanda.
Ngayong taon, ang tema aniya ng isang linggong selebrasyon na ito ay para sa mahabang buhay para sa lahat.
Iginiit ni Duque na sa pamamagitan nang pagpapabakuna ay magkakaroon ng pagkakataon ang bawat isa na magkaroon ng hindi lamang mahaba kundi malusog ding pamumuhay.
Kasabay nito ay binigyan diin niya na ang mga bakuna ay ligtas at epektibo, nagbibigay ng proteksyon sa bawat isa, at ang mga ito ay pawang libre namang makuha mula sa mga health centers.
Kabilang aniya sa mga available na sa mga health centers ay bakuna laban sa measles-rubella, tetanus-diptheria, at human papillomavirus.