Eksaktong anim na araw bago ang big fight sa Las Vegas, kanya-kanya na ng prediksiyon ang ilang mga kilala at bigating boksingero sa magaganap na harapan nina WBA “Regular” champion Manny “Pacman” Pacquiao (61-7-2) at WBA “Super” welterweight champion na si Keith “One Time” Thurman (29-0, 22KOs).
Ilan sa mga boxing legends na pinili si Pacman, 40, ay sina Roberto Duran, Roy Jones Jr., Sugar Shane Mosley at Eric Morales na kapwa tinalo noon ni Manny.
Ang heavyweight champion na si Andy Ruiz ay naniniwalang mananaig pa rin ang bilis at lakas ng fighting senator.
Ang kababayang welterweight champion na si Errol Spence Jr. ay pinaburan naman si Thurman.
Habang ang mga boxing greats na sina Lennox Lewis at Sugar Ray Leonard ay nagsabing may bentahe raw sa kanyang kabataan at lakas si Thurman, 30.
Ang dating heavyweight champion na si Deontay Wilder, 3-division Mexican champion Leo Santa Cruz at multiple champion Mikey Garcia ay pawang ibinoto si Thurman na siyang magpapahiya raw sa Pinoy ring icon.
Samantala, lumutang naman ngayon ang mga pustahan sa Las Vegas o betting odds, na mas pinaburan si Pacman na mananalo, 2-1, laban kay Thurman.
Iniulat din ng Bombo international correspondent Ponciano “John” Melo mula sa Los Angeles na nakatakdang tumulak na ngayong araw ng Martes si Pacman kasama ang Team Pacquiao patungong Las Vegas.
Pero bago magsara ang training camp, hihirit pa raw ito ng light workout sa Wild Card Gym ni coach Freddie Roach.
Nitong araw ng Lunes nag-day off muna ang fighting senator at nagsimba sa Shepherd Church kasama ang kanyang pamilya at para na rin humingi ng basbas sa nalalapit na malaking laban.
Habang si Thurman ay pormal na ring isinara ang kanyang training camp sa estado ng Florida para maghanda na rin sa pagtungo sa Las Vegas.
Bago ito tinawag ni Thurman ang sarili bilang susunod na boxing legend.
Ang muling pagyayabang ni Thurman ay kung talunin daw niya si Pacquiao sa kanilang pagtutuos sa MGM Grand.
Ayon kay Thurman, maliit pa siya ay ambisyon na niya na maging legend sa boxing.
Para sa kanya dalawang bagay umano ang paraan para maging legend sa sports.
Una ang gumawa ng sariling legacy sa buong career o kaya talunin ang isang boxing legend.
Giit pa ni Thurman, binigyan daw siya ng malaking pagkakataon na harapin ang isang world boxing icon, kaya hindi na niya pakakawalan pa ang tiyansang ito na umukit din ng sariling kasaysayan.
“I’ve always wanted to become a legend in the sport,” ani Thurman sa isang interview. “I have an opportunity right now to create my own legacy by defeating Manny ‘Pac Man’ Pacquiao.”
May ilan na ring sikat na pangalan na tinalo si Thurman tulad nina Danny Garcia at Shawn Porter.
Pero hindi pa niya nakaharap ang boksingero na ibang lebel at kalidad tulad ni Pacquiao, na nagbulsa na ng 12 world titles at tanging boksingero na eight-division champion.
Kung maaalala ilan sa mga nakaharap ng pambansang kamao sa loob ng 24 na taon na professional career ay mga bigatin at mga boxing legends din na kinabibilangan nina Floyd Mayweather, Juan Manuel Marquez, Miguel Cotto, Oscar De La Hoya, Ricky Hatton, Sugar Shane Mosley, Eric Morales, Marco Antonio Barrera at iba pang dating mga world champions.