Ikinokonsidera pa rin umano ni NBA superstar Kevin Durant ang pananatili sa kasalukuyan nitong team na Golden State Warriors.
Ito ay kahit na pinili ni Durant na maging unrestricted free agent makaraang hindi nito tanggapin ang kanyang $31.5-million na player option.
Batay sa ulat, sakaling lumagdang muli ito ng kontrata sa Golden State, posible itong makakuha ng maximum deal na tatagal ng limang taon at nagkakahalagang $221 million.
Kung manatili man daw ito sa Warriors ay may oportunidad pa rin itong makasungkit ng titulo sa ilalim ng isang bigating team kahit na nagpapagaling pa ito sa dinanas nitong Achilles injury noong Game 5 ng NBA Finals.
Gayunman, ilan din sa puwedeng maging option ng two-time NBA Finals MVP ang pagpirma naman ng max-level contract sa mga teams na interesado sa kanya gaya ng New York Knicks at Brooklyn Nets.
Sakali naman daw na ito ang piliin ni Durant ay mabibigyan ito ng pagkakataon na pamunuan ang kanyang sariling franchise patungo sa championship.
Sa kasalukuyan ay nasa New York daw si Durant kasama ang kanyang business partner na si Rich Kleiman at tinitimbang ang mga kanyang mga opsyon para sa free agency.