-- Advertisements --
Ponciano Melo
Article by Ponciano Melo (USA Correspondent)

TORONTO, Canada – Bumangon ang Golden State Warriors sa Game 5 ng kanilang pagtutuos sa Toronto Raptors, 106 -105, para ilapit ang serye sa 3-2.

Ito ay sa kabila ng tinamong Achilles injury ng dating two-time NBA Finals MVP Kevin Durant.

Nakapaglaro si Durant sa first at second quarter na agad na nakadagdag ng malaking kalamangan laban sa Raptors.

Subalit muli itong nagka-injury kaya nagpahinga ito bago mag-3rd quarter.

Pero hindi na nakabalik pa sa court bunsod sa posibleng malalang injury makaraang sumailalim sa pagsusuri ng kanilang team physician.

Kung maalala mahigit isang buwan na ring hindi nakakapaglaro si Durant na naunang nagkaroon ng calf injury.

Sa paglalaro muli ni Durant kanina sa loob lamang ng 12 minutos ay nakapag-ambag ito ng 11 puntos kasama na ang tatlong 3-pointers.

Habang sina Stephen Curry na best player sa game ay may 31 points, Klay Thompson ay nagpasok ng 26 points, Demarcus Cousins ay may 14 at si Draymond Green ay nagtapos sa 10 points.

Kapansin pansin ang malaking tulong ni Durant sa first quarter na kahit kagagaling lamang sa injury ay pinilit pa ring maglaro.

INJURED kd

Pero sa kasamaang palad ay muli itong na-injury na nagdulot ng mistulang pagkagising sa mga kasamahan niya na pag-ibayuhin pa ang laro.

Umabot pa ng 13 hanggang 14 na puntos ang kalamangan ng Warriors ngunit nagawa itong mahabol ng Raptors sa bandang fourth quarter sa score na 95-96 sa tulong ni Kawhi Leonard na nakapagtala sa kabuuan ng 26 points.

Hindi rin naman nagpahuli sina Kyle Lowry pero nasayang lamang ang naibuslo na 18 points, Marc Gasol na nagpakita ng 17 points at si Serge Ibaka na nagpakawala ng 15.

Nakabawi naman ang Raptors ngunit hindi pa rin nagpatalo ang Warriors dahil nagawa nilang maungusan ang Raptors ng isang puntos sa huling minuto ng laban.

Naging mahigpit ang palitan ng tira at makapigil-hininga ang mga huling minuto ng 4th quarter dahil sa buong akala ay abot kamay na ang pagiging kampeon ng Raptors sa nagbabadyang 4-1 record laban sa Warriors.

Subalit hindi pinanghinaan ng loob ang Warriors kahit maagang nawala si Durant dahil sa injury bagkus lalo pa itong nagbigay inspirasyon sa mga teammates na magsumikap kahit dikitan na ang laban.

Sa pagtatapos ng laro ay abanse ng isang puntos ang Warriors na bukod pa sa homecourt ng Raptors ang Scotiabank Arena ay mas ramdam ang pressure dahil sa matitinding sigaw ng mga fans.

Samantala muling maghaharap ang dalawang team sa June 13 sa Oracle Arena.

Nagbigay pugay naman si Thompson kay KD at umaasang gagaling ito sa lalong madaling panahon.

“He’s a Warrior. You saw what he did tonight. He sacrificed his health for us and we dearly miss him. It was very deflating to see him go out. I’m just going to pray for the guy, and I know he’ll be back even stronger,” sambit pa ni Thompson.