Kasalukuyan umanong pinag-uusapan nina NBA superstars Kevin Durant at Kawhi Leonard ang posibilidad ng pagpirma ng free-agent deals sa iisang koponan.
Batay sa ulat, posible raw na maging destinasyon ng dalawa ang New York Knicks o Los Angeles Clippers.
Una nang napabalita na binabalak ni Durant na makipagpulong sa apat na teams: Knicks, Clippers, Brooklyn Nets and Golden State Warriors.
Habang sa listahan naman ni Leonard, bumabandera ang Knicks, Clippers, Los Angeles Lakers at Toronto Raptors.
Lumabas na rin sa ilang mga reports na interesado raw ang Brooklyn sa package nina Durant at guard Kyrie Irving.
Iniugnay naman ng ibang mga ulat si Leonard sa Lakers, na puwedeng isama sa tambalan nina LeBron James at Anthony Davis.
Posible rin daw na manatili sa kani-kanilang teams sina Durant at Leonard.
Matatandaang binigo ng Raptors ang Warriors sa NBA Finals nitong taon, dahilan para makuha ng Toronto ang unang titulo ng kanilang franchise.
Noong Game 5 nang mapunit ang Achilles tendon ni Durant, rason para inaasahang mawala ito sa halos kabuuan ng susunod na season.