Isiniwalat ng Brooklyn Nets na ang sistema at istilo ng kanilang laro noong nakalipas na season ang rason kung bakit natipuhang lumipat sa kanila ni superstar Kevin Durant.
Ayon kay Nets general manager Sean Marks, sinabi raw ni Durant na maganda ang sistema ng Brooklyn kaya doon ito tumalon mula sa Golden State Warriors kahit na walang pormal na kasunduan.
“I think we all know what we are getting with Kevin,” wika ni Marks. “The talent is undeniable.”
Sinabi pa ng opisyal, wala raw itong ideya kung makapaglalarong muli ngayong season si Durant, na nagpapagaling pa mula sa dinaranas na Achilles injury.
Gayunman, binigyang-diin nito na hindi raw nila mamadaliin ang two-time NBA Finals MVP.
“There’s going to be absolutely none of that. We have far too much invested in him, and we owe it to Kevin to get him back to 100 percent,” ani Marks.
Matatandaang maaaring magkahalaga ng $164 milyon ang max deal para kay Durant sa loob ng apat na taon.
Inaasahang sa pagbabalik ni Durant ay itatambal ito kay Kyrie irving na nagtawid bakod naman mula sa Boston Celtics.
Noong nakaraang season ay nagtapos na may 42-40 kartada ang Brooklyn, na nakapasok pa sa Eastern Conference playoffs bilang No. 6 seed.