-- Advertisements --

Nagpakita ng mala-halimaw na laro si Kevin Durant upang bitbitin ang Golden State Warriors sa panalo laban sa Los Angeles Clippers, 129-110.

Todo kayod ang ginawa ng NBA defending champion upang makuha ang serye sa 4-2 lead at hindi na hinayang makaporma pa ang Clippers.

Naitala ni Durant ang kanyang playoff career high na 50 points kung saan sa first half pa lamang ay hindi na siya nagpapigil nang maipasok ang 38 big points.

Tumulong din si Draymond Green sa pagdomina sa host team sa LA gamit ang triple-double performance.

Ang pag-init ng husto ni Durant ay naging daan upang mapantayan din niya ang record na ikalawang “most points in a half” sa isang playoff game na hawak ng Phoenix legend Charles Barkley na naiposte noon pang May 4, 1994.

Tumirada si Durant ng 12 mula sa 17 pagtatangka mula sa sahig kung saan nagbuslo rin si KD ng 10 sa kanyang free throws at apat na 3-pointers.

Ang dating career playoff high ni Durant ay noon lamang nakalipas na Huwebes nang magpakita siya ng 45 points.

Wala ring patawad si Green na kumamada ng 16 points, 14 rebounds at 10 assists bilang kanyang ikalimang career playoff triple-double ito ay sa kabila na meron siyang iniindang limang fouls.

Hindi rin naman nagpahuli si Stephen Curry na nagdagdag ng 24 points pero si Klay Thompson ay nalimitahan lamang sa nine points na namroblema sa tatlong fouls.

Sa simula pa lamang ng laro agad nang gumana ang opensa ng Warriors at ginulat ang Los Angeles sa 18-8 run.

Nagsama pa ng puwersa sina Durant at Curry para makabuo ng 21-5 abanse at mula roon ay hindi na lumingon pa.

Mistulang nahilo ang Clippers sa walang patumanggang dunks at alley-oop passes na ginawa ng karibal na team.

Nasayang naman ang diskarte ni Danilo Gallinari na nanguna sa Clippers na may 29 points at si rookie Shai Gilgeous-Alexander na nagtapos sa 22.

Hindi na rin gumana ang pamatay na highest-scoring bench tandem sa katauhan nina Lou Williams at Montrezl Harrell.

Minalas din kasi si Williams na meron lamang tatlong bola na naipasok mula sa 21 tira o kabuuang walong puntos, habang si Harrell ay inalat naman sa 4 of 7 at nameligro pa sa limang fouls.

Bago ito sa Game 5, ang Warriors naman ang natuliro sa kumbinasyon ng dalawang reserves nang painitin nang husto ang court sa 57 points.

curry durant @warriors
Kevin Durant and Stephen Curry (from @warriors)

Samantala dahil sa pagsungkit ng Warriors sa first round, uusad na ito sa Western Conference semifinals at haharapin ang Houston Rockets simula sa Lunes.

Kaabang-abang ang rematch na magaganap na huling nangyari ay sa conference finals noong nakaraang taon.

Kung maaalala unang naka-abanse ang Houston sa 3-2 lead pero tuluyang kumawala sa kanilang kamay ang tiyansa hanggang sa tanghalin ang Warriors bilang kampeon sa ikalawang sunod na taon nang hindi umubra ang Cavs sa serye nila para sa NBA championship.