Tinatantsa pa ng Golden State Warriors si big man DeMarcus Cousins kung papahintulutan na itong sumabak sa nalalapit na Game 1 ng NBA Finals kontra sa Toronto Raptors.
Kuwestiyunable pa kasi ang kondisyon ni Cousins dahil kasalukuyan pa itong nagpapagaling mula sa pagkapunit ng kanyang quadriceps muscle.
Ayon kay Warriors coach Steve Kerr, bagama’t natutuwa ito sa progress ng paggaling ng 6-foot-11 center, aminado itong mahihirapan si Cousins na mahanap ang kanyang ritmo dahil sa dalawang buwan itong hindi naglaro.
Sinabi rin ni Kerr, patuloy din ang pagpapakondisyon ni Cousins at katunayan ay dalawang beses itong lumahok sa scrimmage ng kanilang koponan.
“The good news is his body feels good, his quad feels good, but he’s working his way back into shape and into rhythm, so this is not a simple dynamic for him, and I feel bad for him. This is one of the reasons why he came to this team: It was to play in the playoffs and hopefully go to the Finals. We are, and with Game 1 just a few days away, it’s not an easy position to be in,” wika ni Kerr.
Sa panig naman ni Cousins, iginiit nito na kanyang ginagawa ang lahat upang ibalik sa dati ang kondisyon ng kanyang pangangatawan.
Samantala, opisyal namang idineklara ng two-time defending champions na hindi na makakalahok pa sa Game 1 si Kevin Durant.
Inaalam pa rin ni Kerr kung sasama rin si Durant sa Warriors sa biyahe nila bukas patungong Toronto.