Humarap na sa korte ang isang Dutch doctor matapos nitong magsagawa umano ng euthanasia sa kaniyang pasyente na dumaranas ng severe dementia.
Hindi raw nagsagawa ng sapat na pagbeberipika ang doktor bago isagawa ang nasabing proseso. Ito ang kauna-unahang kaso sa matapos gawing legal sa Netherlands ang euthanasia noong 2002.
Base sa imbestigasyon, may iniindang Alzheimer’s disease ang 74-anyos na pasyente nito bago mamatay noong 2016.
Di-umano’y pinakalma muna nito ang pasyente at inutusan ang pamilya nito na hawakan ng mahigpit ang matanda bago iturok ang lethal drug.
Ayon din sa mga prosecutors, nagpakita umano ng pagpalag ang pasyente habang isinasagawa ang proseso ngunit hindi raw ito pinansin ng doktor.
Nabatid sa imbestigasyon na nag-iwan ang nasabing pasyente ng sulat kung nakasaad umano dito na nais niyang sumailalim sa euthanasia bago ito ipasok sa care home.
Subalit, ayon sa sulat, hiniling ng pasyente na bigyan siya ng tsansa upang makapag desisyon kung kailan niya nais gawin ang proseso.
Dagdag pa ng mga prosecutors, nais nilang linawin kung ano ang naging basehan ng doktor upang i-apply ang euthanasia sa mga taong dumaranas ng dementia.