-- Advertisements --

Kinumpirma ng Western Mindanao Command (WesMinCom) na pinatay ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang kanilang dayuhang kidnap victim na si Ewold Horn sa kasagsagan ng military operations kaninang umaga sa Patikul, Sulu.

Ayon kay WesMinCom spokesperson Col. Gerry Besana, si Horn ay binaril at napatay ng kanyang bantay nang magtangka itong tumakas habang nakikipagbakbakan ang kanyang ASG kidnappers sa mga tropa ng 32nd Infantry Battalion sa Sitio Bud Sub-Sub, Barangay Pansul.

Ayon kay Besana, alas-7:41 ng umaga nagsimula ang bakbakan nang makasagupa ng mga tropa ang tinatayang 30 miyembro ng grupo ni ASG leader Radullan Sahiron.

Tumagal ng isa’t kalahating oras ang engkuwentro kung saan anim na ASG fighters ang patay at maging ang ikalawang asawa ni Sahiron na si Mingayan Sahiron.

Sa panig naman ng militar, walong sundalo ang sugatan.

Narekober ng mga tropa pagkatapos ng bakbakan ang bangkay nina Horn at Sahiron.

Si Horn na isang bird watcher ay binihag ng grupo ni Sahiron matapos itong dukutin sa karagatan ng Barangay Parangan sa Panglima Sugala, Tawi-Tawi, noong February 1, 2012.

Samantala, mariing kinondena ni WesMinCom Commander Lt. Gen. Arnel Dela Vega ang pagpatay ng ASG sa banyagang bihag.

“We condemn the inhumane acts carried out by Abu Sayyaf members against their captives and the innocent in Sulu. They perpetrate violence without compunction and in blatant disregard for human life,” pahayag ni Dela Vega.

Nagpaabot na rin ng pakikiramay ang militar sa mga kamag anak ni Horn.