-- Advertisements --

LAOAG CITY – Kinumpirma ni Police Major Darwin Ocon sa Aviation Security Group sa Laoag International Airport (LIA) na sinampahan nila ng paglabag sa Anti-Bomb Joke Law ang isang Dutch National matapos ang kanyang “bomb joke” habang iniinspeksyon ang kanyang bahage sa departure area ng nasabing paliparan.

Kinilala ni Ocon ang suspek na si Mary Evelyn Dolor Neuen, taga Sta. Maria Ilocos Sur pero isa nang German Citizen, 70-anyos at retired nurse sa Germany.

Ayon kay Ocon, patungo sana sa Metro Manila si Neuen kasama niya ang kanyang pamilya mula sa pagbakasyon nila sa Sta. Maria, Ilocos Sur, subalit dahil sa ginawa niya ay nanatili sa kustodya ng Aviation Security Group a loob ng tatlong araw matapos nilang sampahan ng kaso.

Subalit ibinasura ng piskalya ang isinampa nilang kaso dahil kulang umano sa element kung saan hindi nagkaroon ng komosyon ay walang nagpanic na mga tao.

Paliwanag ni Ocon na hindi masyadong malakas ang pagkakasabi ni Neuen na may bomba sa kanyang bagahe kaya walang nakarinig sa mga tao sa lugar maliban lamang sa baggage inspector na siyang nagreport agad sa Philippine National Police matapos marinig ang “bomb joke” ng Dutch national.

Sinabi pa ni Ocon na bago inaresto ang Dutch National ay ipinaliwanag sa kanya ang kasabihan na “ignorance of the Law excuses no one” kaya iwasang gumawa ng ganitong klaseng biro lalong-lalo na kapag nasa paliparan.

Inihayag pa ni Ocon na matapos ibasura ng piskalya ang kaso ni Neuen ay pinalaya na agad nila at sa ngayon ay nasa biyahe na sila ng kanyang pamilya pabalik sa Germany.

Dagdag pa niya na ito ang unang pagkakataon na may sinampahan sila dahil sa “bomb joke” sa nasabing paliparan.

Hinggil dito, napag-alaman ni Ocon mula sa pamilya ni Neuen na sadyang palabiro lamang umano ang nasabing Dutch national.