Pormal ng magsisimula ngayong araw ang One Belt, One Road o Belt and Road Initiative forum na dadaluhan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Beijing, China.
Magugunitang ang nasabing inisyatiba ay major foreign policy ni Chinese President Xi Jinping simula ng ianunsyo noong 2013.
Sinabi ni Foreign Affairs Assistant Sec. Meynardo Montealegre, hangad ng Belt and Road Initiative na magkakaroon ng global connectivity sa pamamagitan ng mga imprastruktura, malayang kalakalan, financial integration at ugnayan ng mga mamamayan sa buong mundo.
Ayon kay Asec. Montealegre, naaangkop ang inisyatiba sa pangarap din ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na magkaroon ng regional connectivity kung saan ang mga bansang kasapi ay konektado na ng mga tulay at kalsada.
May apat na pangunahing policy goals ng BRI na kinabibilangan ng alignment ng mga government policies tulad ng mga planong pang-ekonomiya; pagpapalakas ng koordinasyon sa infrastructure plans; paghikayat ng mas malayang kalakalan, investment at regulatory standards; pang-apat ang koneksyon ng mga mamamayan sa pamamagitan ng export at cultural exchanges at turismo.
Kabuuang 40 leaders kasama na ang Chinese president ang maghaharap simula ngayong araw kung saan hindi kasama ang lider ng Estados Unidos dahil kinokontra nga nila ito gaya ng pagkontra sa Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) na inilunsad ng China bilang counterpar ng International Monetary Fund (IMF).
Bukas, Abril 27, isasagawa ang Leaders’ Roundtable kung saan isa si Pangulong Duterte sa mga key speakers at dito na rin ilalabas ang joint communiqué ng mga dumadalong Leaders.