-- Advertisements --

Tulad sa kanyang tatlong naunang State of the Nation Address (SONA), isa pa rin sa mga pinakaunang tinalakay ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong taon ay ang patungkol sa iligal na droga.

Sa kanyang katatapos na SONA na tumagal ng isang oras at kalahati, hiniling nito sa Kongreso na ipasa ang death penalty para sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga.

Hindi rin nito pinalampas ang nakatakdang pagsibak sa mahigit 60 tauhan ng Bureau of Customs (BOC) at pagkadismaya sa isyu ng “ghost dialysis” na sinasabing kinasangkutan ng ilang opisyal ng PhilHealth.

Hinimok naman ni Digong ang ilang ahensya ng gobyerno na dapat daw bilisan ang serbisyo sa publiko. Kabilang dito ang Land Transportation Office, Social Security System, Bureau of Internal Revenue, Land Registration Authority, at Pag-IBIG.

Samantala, pinarangalan ng pangulo ang ilang Tourism officials dahil sa Boracay rehab.

“We cleaned and rehabilitated the island and allowed it to heal naturally. It has been restored close to its original pristine state,” ani Duterte.

Binanggit din ng 74-year-old chief executive ang tungkol sa 3rd telco, gayundin ang hangaring magkaroon ng Department of Overseas Filipinos, at ang insidente sa Recto Bank na bahagi ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea kung saan iginiit nito na nasa arbitral ruling ang pagbibigay ng fishing rights sa ibang bansa.

“It compelled us to perform a delicate balancing act,” saad ng pangulo.

Inalala pa nito ang tensiyon daw sa Scarborough Shoal noong 2012: “We are claiming the same but we are not in the position because of that fiasco noong 2 nag-standoff doon during the time of my predecessor… tayo ang umatras.”

Hinggil naman sa isyu ng sovereign rights sa West Philippine Sea sa China, magkakaroon aniya ng “stand” ang bansa sa takdang panahon.

“I cannot go there even to bring the Coast Guard to drive them away. China also claims the property and he is in possession. ‘Yan ang problema. Sila ‘yung in possession and claiming.”

Sa kabilang dako, umapela ng tulong sa publiko ang pangulo upang makaahon sa kahirapan.

Kaugnay nito, malaya aniya na imbestigahan ang kanyang departamento at hindi na kailangan pang tumawag sa kanya sakaling may mapansin na kaduda-duda.

Una rito, alas-4:00 ng hapon ang original schedule ng SONA ng pangulo pero halos alas-5:00 na ito ng hapon nang makarating sa venue sakay ng helicopter.

Kasama nito sa chopper ang kanyang dating aide na si Bong Go na ngayon ay isa nang senador.