LEGAZPI CITY – Naniniwala si Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles na malaki ang papel at kinalaman ng isyu sa climate change sa pagtaas ng mga sakit gaya ng dengue.
Sa pagtatanong ng Bombo Radyo Legazpi, iginiit nito ang kahalagahan ng integration ng climate change para sa policy aspect ng bansa.
Suportado ng opisyal ang pagbuo ng Department of Disaster Resilience at Department of Water na magbibigay kasagutan sa maayos na pamamahala ng water resources gaya ng problema sa pagbaha.
Napag-usapan din aniya sa gabinete ang isasagawang hakbang laban sa lumolobong kaso ng sakit na nakukuha sa kagat ng lamok.
Subalit ng matanong hinggil sa paggamit ng Dengvaxia dengue vaccine, nagpahayag ng pagkontra ang opisyal lalo na sa mali umanong nangyari sa pagpapatupad ng protocol para dito.
Dagdag pa ng opisyal na may binabantayan ngayon ang pamahalaan na bakuna mula sa Japan na nasa clinical phase na rin.
Nagtungo sa lungsod ng Legazpi si Nograles para sa opening preliminaries ng Enhanced Local Climate Change Action Plan (LCCAP) Communities For Resilience (Core), Climate Change Commission (CCC) Communities For Resilience (CORE) Modular Training para sa mga lokal na pamahalaan.