-- Advertisements --

Tiniyak ni Sen. Bong Go na puspusan ang ginagawa ng Duterte administration para maibangon uli ang ekonomiya ng bansa at mapasigla ang kabuhayan ng mga Pilipino kasabay ng pagbibigay proteksyon sa kalusugan ng mga mamamayan.

Sinabi ni Sen. Go, inuna lang kasi na maproteksyunan ang buhay ng bawat Pilipino dahil kung hindi, wala na tayong ekonomiya na pag-uusapan pa.

Ayon kay Sen. Go, gagawan nila ng paraan na masolusyunan ang gutom, magkaroon ng sapat, ligtas at epektibong bakuna para sa lahat at mabibigyan muli ng kabuhayan ang mga nawalan.

Kabilang umano sa hakbang na ginagawa ay ang posibleng pagsulong ng Bayanihan 3 para makapagbigay uli ng ayuda sa mga nawalan ng kabuhayan.

Suportado rin umano ng mambabatas ang ang pagpasa ng iba’t ibang economic recovery measures gaya ng ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Bill dahil sa mas mababang buwis at mas maraming insentibo na nakasaad sa panukalang batas, masusuportahan nito ang mga maliliit na negosyo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kaakibat rin dito ang pagpapatupad ng Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program, gayundin ang pagpasa sa isinusulong rin ng mga economic managers ang iba’t ibang mga panukala gaya ng Financial Institutions’ Strategic Transfer o FIST Bill at ang Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery o GUIDE Bill.

“Kung matutulungan natin ang mga negosyo na bumangon at lumago, matutulungan rin ng pribadong sektor ang ating mga kababayan at magkakaroon rin ng mas maraming economic opportunities sa buong bansa,” ani Sen. Go.

Iginiit din ng mambabatas na ang kooperasyon ng lahat ang pinaka-importanteng hakbang tungo sa muling pagbangon kung saan habang binubuhay muli ang ekonomiya, huwag munang magkumpyansa at patuloy tayong mag-ingat.