-- Advertisements --
VP Leni Robredo
VP Leni Robredo

ILOILO CITY – Umaasa ang Duterte administration na titigilan na ni Vice President Leni Robredo ang pagpuna sa drug war campaign ng pamahalaan.

Ito ay matapos na tinanggap na ni Robrero ang imbitasyon ni Presidente Rodrigo Duterte na maging co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD).

Nag-ugat ang pag-alok ni Duterte kay Robredo na maging drug czar matapos minaliit nito ang anti-drug campaign ng administrasyon.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Assistant Secretary Anthony Gerard “Jonji” Gonzales, ng Office of the Presidential Assistant for the Visayas (OPAV), sinabi nito sa halip na maging kritiko, kailangang tulungan ni Robredo ang Duterte administration.

Ayon kay Gonzales, bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD), masusukat ang kakayanan ni Robredo na sugpuin ang iligal na droga sa Pilipinas.

Inamin naman ni Gonzales na marami pang dapat gawin upang matigil na ang iligal na droga sa bansa.

Tinukoy nito ang pasaway na mga law enforcers katulad ng Philippine National Police, mga kurap na mga public officials at problema sa pamilya kung saan, karamihan sa gumagamit ng iligal na droga ay mga kabataan mula sa problemadong mga pamilya.