-- Advertisements --

Tiniyak ni Justice Sec. Menardo Guevarra na batid umano ng Pangulong Rodrigo Duterte ang hangganan ng kanyang kapangyarihan bilang pinuno ng bansa.

Pahayag ito ni Guevarra kasunod ng banta ng Pangulong Duterte sa kanyang mga kritiko na magdedeklara raw ito ng revolutionary war at sususpindihin ang writ of habeas corpus sakali raw na ito’y masagad.

“As a lawyer, the president knows the scope and limitations of his constitutional powers and he will always act in accordance therewith,” wika ni Guevarra.

Ayon sa kalihim, posibleng nayayamot lamang ang Pangulo sa mga “roadblocks” sa kanyang mga ginagawang mga hakbang upang pangalagaan ang interes ng mga mamamayan.

“For example, he orders a review of contracts containing terms that are perceived to be onerous to the government and the people. Some critics warn him to be careful in doing so, as it may send wrong signals to investors, lenders, etc.,” ani Guevarra.

“The president gets angry, because his intention in ordering such review is to protect the interests of the general public, not those of the rich,” dagdag nito.

Sa kabilang dako, tinawag na “iresponsable” ni Vice President Leni Robredo ang binitiwang mga pahayag ng Pangulo.

Ayon kay Robredo, nagulat daw ito sa nasabing pahayag dahil bilang abogado, alam naman daw ng Pangulong Duterte na labag ito sa Saligang Batas.

“Iyong pagdedeklara ng revolutionary government, hindi siya naaayon sa Konstitusyon. Kaming dalawa, pareho kaming nanumpa na ipagtatanggol namin ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas. Kapag nagdeklara siya ng revolutionary government, ang gusto ba nitong sabihin, inaabandona niya iyong kaniyang pinanumpaan,” wika ni Robredo.