-- Advertisements --

Kinumpirma ng Malacanang na nagkausap na nang personal sina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.

Gayunpaman, hindi matiyak ni Presidential Spokesman Harry Roque ang eksaktong petsa kung kailan ito, pero sa panahong siya umano ay naka-quarantine.

Sinabi ni Sec. Roque, matagal nang naka schedule ang social call na ito ni Ambassador Huang kay Pangulong Duterte para personal itong batiin ng happy birthday.

Ayon kay Sec. Roque, ito umano ay bago pa man ang napaulat ang presensya ng mahigit 280 Chinese militia vessels sa Julian Felipe Reef.

Inihayag umano ni Pangulong Duterte ang concern ng Pilipinas sa nasabing mga Chinese vessels sa loob ng teritoryo ng bansa.

Muli umanong iginiit ni Pangulong Duterte kay Amb. Huang ang nasabi na nito noon sa United Nations General Assembly na poprotektahan nito ang ating terotoryo, kailangang maresolba ang ganitong mga isyu alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Nanindigan din umano si Pangulong Duterte sa pagkapanalo ng Pilipinas ng Arbitral Tribunal noong 2016 kung saan pinawalang-saysay ang claim ng China sa West Philippine Sea.