CAUAYAN CITY – Positibo ang naging pagtingin ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) national chapter sa pagtanggap ni Vice President Leni Robredo bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD) matapos siyang italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Domingo “Egon” Cayosa, national president ng IBP na kanilang ikinatuwa na magkatuwang sina Pangulong Duterte at Robredo na kapwa abogado sa kampanya kontra iligal na droga.
Hindi man perpekto ang kanilang pagtatrabaho ngunit tingin nila ay mas makakabuti ang pagtutulungan ng dalawang pinakamataas na pinuno ng bansa kaysa magbangayan upang malabanan ang suliranin sa droga.
Hindi lamang ang mga pinuno ng bansa ang magtutulungan kontra iligal na droga kundi maging ang mga abogado at mga mamamayan.
Tiniyak ng pamunuan ng IBP national chapter ang kanilang suporta sa dalawang pinuno ng bansa.