BEIJING – Inianunsyo ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Geng Shuang ang sabay na pagdalo nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping sa opisyal na pagbubukas ng 2019 FIBA World Cup mamayang gabi.
Isasagawa ang opening ceremony sa iconic na Water Cube sa Beijing kung saan ginanap ang aquatic events noong 2008 Beijing Olympics.
Inihayag ng mga organizers na ipapakita sa opening ceremony ang nakakamanghang pagsasama ng Chinese culture at basketball.
Pagkatapos ng seremonya, sasamahan ni Vice President Wang Qishan si Pangulong Duterte sa biyahe nito bukas papuntang Guangdong province para naman manood ng FIBA Games kung saan naka-schedule ang laban ng Gilas Pilipinas kontra sa national team ng Italy.
Nabatid na walong Chinese cities ang kabilang sa venue katulad ng Beijing, Shanghai, Nanjing, Wuhan, Guangzhou, Shenzhen at Dongguan.
Umaabot sa 32 mga bansa ang nakapasok sa prestihiyosong world championships at kasama na nga rito ang Pilipinas.