-- Advertisements --

Nakatakdang bibisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Legazpi, Albay mamayang hapon.

Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Sen. Bong Go na uunahin ni Pangulong Duterte na mapuntahan ang mga hardest hit area.

Ayon kay Sen. Go, magsasagawa rin si Pangulong Duterte ng aerial inspection sa probinsya ng Albay mamayang hapon.

Ito ay para makita umano ang lawak ng pinsala ng bagyo.

Inihayag pa ni Go na sila na lamang ni Pangulong Duterte ang mag-iikot mamayang hapon para hindi na makaistorbo sa ibang opisyal ng pamahalaan na abala sa pagsasagawa ng rescue at recovery operations.

Ipatatawag din daw ni Pangulong Duterte ang lahat ng miyembro ng gabinete kabilang na ang mga kinatawan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Nais umano ni Pangulong Duterte na agad na maibalik sa normal ang sitwasyon matapos manalasa ang bagyong Rolly.

Binuweltahan pa ni Go ang mga kritiko na nagpa-trending sa hashtag na #NasaanAngPangulo.

Iginiit ni Go na dahil nasa Mindanao si Pangulong Duterte ay nangangahulugang hindi na ito nagtatrabaho.

Katunayan, 24/7 aniya ang pagtatrabaho ni Pangulong Duterte para matiyak lamang ang kaligtasan ng bawat isa.