ZAMBOANGA CITY – Inaasahang bibisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa maraming mga sugatang sundalo na nilalapatan pa rin ng lunas ngayon sa military hospital sa loob ng headquaters ng Joint Task Force Sulu sa Brgy. Busbus, Jolo, Sulu.
Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Carlito Galvez sa isinagawang change of command sa Western Mindanao Command (WestMinCom).
Sa ngayon ay wala pa umanong schedule kung kailan ang biyahe ng pangulo habang may iba pa siyang inaasikaso.
Ayon kay Galvez na gustong kausapin ni Duterte ang mga sugatang sundalo na dati na rin niyang ginagawa sa mga casualty mula sa tropa ng pamahalaan.
Matatandaan na ilang beses ding nakasagupa ng tropa ng militar ang grupo ng teroristang Abu Sayyaf habang nagsasagawa ng search and rescue operation sa mga bulubunduking bagahi ng Sulu kung saan hindi bababa sa 23 ang sugatan sa mga sundalo.
Umabot din sa apat ang nasawi sa magkakasunod na sagupaan na iniuwi na rin ang mga labi sa kani-kanilang pamilya.
Makalipas ang madugong engkuwentro sa pagitan ng mga sundalo at ang grupo ng Abu Sayyaf na humahawak sa dalawang pulis na sina PO1 Dinah Gumahad at PO2 Benierose Alvarez ay pinalaya din sila makapalit na napaulat na pagbayad ng ransom money.