Binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga huwes na huwag makikialam sa kautusan nitong arestuhin ang mga gumagamit ng vape o electronic cigarettes sa publiko.
Sa kaniyang talumpati sa 80th anibersaryo ng Department of National Defense (DND) sa Camp Aguinaldo sa Quezon City, sinabi ng Pangulo na hindi niya susundin ang anumang restraining order na ilalabas ng anumang korte.
Dagdag pa nito, dapat huwag magpalabas ng restraining orders ang mga ito sa Customs, at Coast Guards sa nasabing kautusan.
Magugunitang ipinag-utos ng Pangulo sa kapulisan na arestuhin ang mga gumagamit ng vape sa pampublikong lugar.
Una nang sinabi ng Presidente na isang uri ng lason ang nasabing vape kaya karapatan niya na protektahan ang kalusugan ng publiko.
Tiniyak din nito na ang sinumang lalabag ay maaaresto.
Ang nasabing hakbang ay matapos na magtala ang Department of Health (DOH) ng pagkakamatay ng isang babae makaraang gumamit ng e-cigarettes o vape sa Central Visayas.