-- Advertisements --

Personal na nagpaabot ng kanyang pakikiramay si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga naulila ng apat na pulis na pinaslang ng umano’y mga kasapi ng New People’s Army sa bayan ng Ayungon, Negros Oriental.

Nagtungo sa punong himpilan ng Negros Oriental Provincial Police Office na Camp Francisco Fernandez Jr. sa bayan ng Sibulan ang Pangulong Duterte kung saan nakaburol ang mga pulis.

Dito ay nakiramay ang Commander-in-chief sa mga pamilya nina P/Cpl. Relebert Beronio, Pat. Raffy Callao, Pat. Ruel Cabellon, at Pat. Marquino de Leon.

Ginawaran din ng Pangulo ng Order of Lapu-Lapu at Kalasag Medal ang mga napaslang na pulis.

Maliban kay Pangulong Duterte, nagtungo rin sa burol sina Central Visayas police chief BGen. Debold Sinas, Education Sec. Leonor Briones, and Interior Sec. Eduardo Año.

Nitong Biyernes, sinabi ni Sinas na hindi lamang daw tinambangan ang naturang pulis kundi naging biktima rin daw ang mga ito ng “summary execution.”

Ayon pa kay Sinas, batay sa autopsy findings, nabasag din daw ang rib ng isa sa mga pulis.