Tiniyak ng Malacañang na bubusisiing maigi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang P4.1-trilyong national budget.
Kasunod ito ng pagkakalusot ng 2020 General Appropriations Bill sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, umaasa silang hindi mababalam ang pag-apruba ng bicam sa 2020 budget dahil lamang sa “partisan discussion.”
“The Executive Branch hopes that the Bicameral Conference Committee of the Legislature would be able to arrive at a considered decision in reconciling the conflicting provisions found in the two versions of its respective houses without prolonged partisan discussion and undue delay,” ani Panelo.
Una rito, sa botong 22-0, inaprubahan ng Senado ang national budget para sa susunod na taon.
Hindi naman nakaboto ang nakakulong na si Sen. Leila de Lima at si Sen. Manny Pacquiao.
“The public is assured that the President will carefully scrutinize whatever appropriations bill that will be transmitted to his office by Congress to ensure that the same would be in accordance with the imperatives of the Constitution and responsive to the needs of the Filipino people before it becomes a law,” anang kalihim.