Nilinaw ng Malacañang na hindi iniiwasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pari at obispong katoliko kaya hindi na ito dumalo sa “high mass” matapos ang “handover” ng Balangiga Bells sa parokya ng Balangiga, Eastern Samar.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, sinabi nitong marami lang aktibidad si Pangulong Duterte at kailangan nitong makaalis kaagad kahapon.
Ayon kay Sec. Panelo, dapat nga ay hindi na dadalo si Pangulong Duterte sa “handover” ng mga makasaysayang kampana pero pinagbigyan lamang ang pakiusap ng mga taga-Eastern Samar para sa kanyang presensya.
Pero sa naunang pahayag kamakailan ni Pangulong Duterte, hindi siya dadalo sa misa sa Simbahan dahil ayaw niyang makinig sa sermon o sasabihin ng mga paring katoliko.