Inianunsyo ngayon ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi na matutuloy ang debate nina Pangulong Rodrigo Duterte at dating Supreme Court (SC) Associate Justice Antonio Carpio kaugnay sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, pinakinggan ni Pangulong Duterte ang naging payo kagabi ng mga miyembro ng gabinete sa pangunguna ni Executive Sec. Salvador Medialdea at miyembro ng Senado na sina Senate Pres. Tito Sotto III at Sen. Koko Pimentel.
Ayon kay Sec. Roque, ipinayo ng mga opisyal na walang idudulot na mabuti ang debate sa sambayanang Pilipino kaya mas mabuting huwag na lamang ituloy.
Si Pangulong Duterte din umano ay nakaupong pangulo ng bansa habang si Atty. Carpio ay retirado ng mahistrado kaya maituturing na itong ordinaryong mamamayan.
Pero tuloy pa rin naman daw ang debate dahil itinalaga ni Pangulong Duterte si Sec. Roque na siyang makikipag-debate kay Justice Carpio.
Kaya naghamon ngayon si Sec. Roque na magdedebate sila ni Justice Carpio, saan at kailanman gusto ng dating mahistrado.