Inianunsyo ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano ang susunod na House Speaker.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang anunsyo sa kanyang pagpapanumpa sa mga bagong talagang opisyal sa gobyerno.
Sinabi ni Pangulong Duterte, magkakaroon ng term-sharing si Rep. Cayetano kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Ayon kay Pangulong Duterte, magsisilbing Majority Floor Leader ang isa pang contender na si Leyte Rep. Martin Romualdez.
Batay sa kasunduan, unang magsisilbing speaker ng 18th Congress si Cayetano sa loob ng 15 buwang sunod naman si Velasco sa loob ng 21 buwan.
Nabuo ang desisyon ni Pangulong Duterte matapos ang closed-door meeting kina Cayetano, Velasco at Romualdez sa Palasyo kanina lamang.
Una rito, naninindigan si Pangulong Duterte na huwag makialam sa pagpili ng speaker sa Mababang Kapulungan ng Kongreso o Kamara, maari naman umanong magbago.
Pero kanina sa press briefing, inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kung personal na lumapit kay Pagulong Duterte ang mga naghahangad sa speakership para maresolba ang problema, maaaring tumulong si Pangulong Duterte.
Ayon kay Sec. Panelo, ang pagtulong ni Pangulong Duterte para maresolba ang usapin ng speakership ng Kamara ay hindi maituturing na panghihimasok sa lehislatura dahil mga kandidato naman ang lumapit.
Inihayag ni Sec. Panelo na depende sa mga pangyayari para magbago ang posisyon ni Pangulong Duterte na huwag makialam sa pagpili ng House Speaker.
Niliwanag ni Sec. Panelo na kung si Pangulong Duterte ang masusunod ay maglabo-labo na lamang sa labanan sa Spekarship sina Reps. Martin Romuladez, Lourd Alan Velasco, Alan Peter Cayetano at Isidro Ungab.