VIGAN CITY – Tila nabuhayan umano ng pag-asa ang isang mambabatas dahil posibleng matalakay sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ang isyu sa West Philippine Sea, partikular na ang nangyari sa Recto Bank noong Hunyo 9.
Ito ang sinabi sa Bombo Radyo Vigan ni ACT Teachers’ Partylist Rep. Antonio Tinio matapos na kumpirmahin nitong Biyernes ni Pangulong Rodrigo Duterte na matatalakay nito ang nasabing isyu sa nasabing pagtitipon.
Taliwas naman ito sa naging reaksyon ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate na hindi mababanggit ng pangulo sa nasabing pagtitipon ang isyu sa pinag-aagawang teritoryo at posibleng ito pa mismo ang magsilbing tagapagtanggol ng China sa iba pang claimant countries.
Ayon kay Tinio, naniniwala sila na ito na umano ang pinakamagandang pagkakataon para makabuo si Pangulong Duterte ng alyansa sa ibang ASEAN countries na claimant sa nasabing teritoryo laban sa naghaharing bansa ng China.
Umaasa silang sa pamamagitan ng ASEAN Summit ay makahingi ng tulong ang Pilipinas sa ibang bansa upang malabanan ang puwersa ng China sa nasabing teritoryo at maprotektahan ang mga Pilipinong mangingisda na naglalalayag sa nasabing lugar.