Bigong makasipot ang Pangulong Rodrigo Duterte sa ginanap na flag-raising ceremony event sa Rizal Park sa lungsod ng Maynila kaugnay sa pag-alaala ng bansa sa ika-119 kasarinlan ng Pilipinas.
Sa halip, ipinadala ng pangulo si Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano upang samahanan si Vice President Leni Robredo sa pagtataas ng watawat ng bandila ng Pilipinas dakong alas-8:00 ng umaga.
Una rito, pasado alas-7:00 ng umaga nang magpaabot ng mensahe si Presidential Spokesperson Ernesto Abella na hindi raw makakarating ang chief executive bunsod ng may mahalagang inaasikaso kaugnay sa problema sa Mindanao.
Sa pahayag naman ni Cayetano, kaninang sinabi na alas-5:30 ng madaling araw kanina nang sabihan siya na masama raw ang pakiramdam ng presidente dahil kahapon ay naging abala pa ito sa paglilibot at pakikiramay sa mga sundalong casualties sa labanan sa Marawi City.
Bago ito, nitong nakalipas na weekend ay nag-abiso rin ang Malacanang na kinakansela ang tradisyunal na Independence Day vin d’honneur para sa mga ambassador dahil sa abala umano ang presidente sa pagbibigay atensiyon sa krisis sa Marawi na eksaktong nasa ika-20 araw na ngayon.
Kung natuloy ang Pangulong Duterte sa Rizal Park event ito sana ang magiging kauna-unahan niyang Independence Day celebration mula ng maupo sa puwesto.
Samantala sa bahagi naman ng Kawit, Cavite kung saan batay sa kasaysayan doon unang iwinagayway ang bandila ng Pilipinas ay si Sen. Panfilo Lacson kasama si Tourism Sec. Wanda Teo ang nanguna sa flag raising rites.