Iginiit ng Malacañang na hindi umano obligado si Pangulong Rodrigo Duterte na ipasilip sa publiko ang nilalaman ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Tugon ito ng Malacañang sa lumabas na ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na nabigo raw ang Office of the Ombudsman at ang Office of the President na magbigay ng kopya ng SALN ng Pangulong Duterte para sa taong 2018.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sumusunod ang Punong Ehekutibo sa nakasaad sa Saligang Batas na pagpapasa ng SALN sa tamang oras.
“Neither instrument requires the President to personally and directly furnish a copy thereof to the media or to whomever wants it. There is a mandated procedure under the law to access the same,” saad ni Panelo.
Pinayuhan din ng kalihim ang PCIJ na i-request ang nasabing dokumento sa Ombudsman, na siyang imbakan ng orihinal na mga SALN ng pangulo, pangalawang pangulo, at lahat ng mga kasapi ng constitutional bodies.
Hindi rin aniya maaaring diktahan ng Palasyo ang Ombusman sa nais nitong maging aksyon dahil sa hiwalay at malaya itong institusyon at wala raw silang kontrol dito.
“We take strong exception to the thoughts bordering to innuendo of a few that the failures of the PCIJ in getting a copy of the President’s SALN can be ascribed to the President’s policy on transparency,” ani Panelo. “Such accusation is baseless if not malicious.”