Kinumpirma ni Executive Secretary Salvador Medialdea na pinirmahan na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdedeklara sa June 5, 2019, bilang regular holiday sa buong bansa kaugnay sa observance ng Eid’l Fitr.
Ang naturang petsa ay nataon namang araw ng Miyerkules.
Ang deklarasyon ng Pangulo ay nakabatay sa Proclamation No. 729 na kanyang nilagdaan kahapon, May 28.
Sina Presidente at Medialdea ay kasalukuyang magkasama sa Japan.
Ang Eid’l Fitr ay ang pagtatapos ng Ramadan na isang religious festival na inoobserba ng mga Muslims sa buong mundo.
“Whereas, the entire Filipino nation should have the full opportunity to join their Muslim brothers and sisters in peace and harmony in the observance and celebration of Eid’l Fitr,” bahagi pa ng proklamasyon. “Whereas, the National Commission on Muslim Filipinos has recommended to declare Wednesday, 05 June 2019, a national holiday in observance of Eid’l Fitr (Feast of Ramadan).”
Noong taong 2002 ay naging batas ang Republic Act No. 9177 na nag-aatas nang pakikibahagi ng bansa sa selebrasyon ng Eid’l Fitr kung saan ang eksaktong petsa ng observance kada taon ay depende sa Muslim calendar.