Ikinalulungkot ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa kabila ng taunang pagdiriwang Araw ng Paggawa, wala pa ring pagbabago ang nakakaawang kalagayan ng mga manggagawang Pilipino lalo ang mga nagsasakripisyong iwan ang kanilang pamilya para magtrabaho sa abroad.
Sa kanyang mensahe ngayong Labor Day, sinabi ni Pangulong Duterte na ito ang dahilan kaya nagpatupad ang kanyang administrasyon ng mga measures sa ilalim ng kanyang kapangyarihan para sa proteksyon ng mga manggagawa at isulong ang patas na oportunidad sa paggawa para sa lahat.
Ayon kay Pangulong Duterte, umaasa siyang ikokonsidera ng Kongreso ang pagpasa ng kaukulang batas para sa ganap na proteksyon sa karapatan ng mga manggagawa lalo ang kanilang security of tenure at makapag-organisa o unyon.
Samantala, kasabay ng pakikiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa, pinuri din ni Pangulong Duterte ang lahat ng mga manggagawang Pilipino sa loob at labas ng bansa.
Inihayag ni Pangulong Duterte na ang kasipagan at pagtitiyaga ng ating labor force ang lakas ng bansa.
“I remain optimistic that one year since I issued Executive Order No. 51 implementing existing constitutional and statutory provisions against illegal contracting, my counterparts in Congress will consider passing much needed legislative measures that will fully protect our workers’ rights, especially to security of tenure and self-organization,” ani Pangulong Duterte.