-- Advertisements --

Inihayag ni dating Senator Leila De Lima na ang drug war model na ipinatupad ng Duterte administration ay ginaya sa notorious Davao Death Squad na umanoy binuo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nuong siya pa ang alkalde ng Davao City.

Si ex-PRRD ay may codename na superman.

Sa pagharap ni De Lima sa House Quad Comm, kaniyang inihayag na ang reward system ay ginamit para bigyan ng pabuya ang patayan sa Davao City na pinalawak sa buong bansa nuong nag-assume na bilang chief executive si Pang. Duterte.

Ipinaliwanag din ni Sen. De Lima na ang DDS ay nag operate sa dalawang pagkakataon ito ay nuong 1988 hanggang 1998 ng mahalal bilang alkalde si Duterte.

Ang mga hitmen umano ng DDS ay mga dating rebel returness at PNP officers kung saan sila ay binabayaran ng P15,000 bawat patayan.

Sa nasabing halaga P5,000.00 dito ay mapupunta sa police handlers habang ang P10,000.00  ay ibibigay sa assassins.

Muling nag-operate ang DDS nuong 2001 hanggang 2016 at naging isang organized unit na sa ilalim ng Heinous Crimes Investigation Section sa ilalim ng Davao City Police Office.

Ibinunyag din De Lima na ang kanilang safehouse ay matatagpuan sa loob ng NAPOLCOM compound.

Dagdag pa ni De Lima, nagkikita-kita ang mga miyembro ng DDS  sa kanilang safehouse matapos ang isinasagawang summary execution at dito kanilang dini-divide ang reward.

Ibinunyag din ni De Lima na mismo si ex-PRRD ang direktang nagbibigay ng kautusan  at nagbibigay ng reward sa mga assasins.

Ginamit din ni Duterte ang Davao system na barangay-based lists ng mga biktima kung saan inaatasan ang mga barangay officials na tukuyin ang mga drug offenders sa kanilang komunidad.

Dagdag pa ni De Lima na ang DDS ay isang grupo ng mga killers na highly-structures at suportado ng mataas na opisyal.

Hinikayat din ni De Lima ang mga mambabatas na ikunsidera ang findings ng CHR partikular ang testimonya nina Matobato at Lascanas na maituturing na crucial evidence.