DAVAO CITY – Personal na dumalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa isinagawang thanksgiving dinner ni incoming Senator Christopher Bong Go sa lungsod kasama ang mga malalapit na mga kaibigan.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Duterte na malaki ang tiwala niya kay Go lalo na at matagal niya itong naging aide noong siya ay alkalde pa lamang ng lungsod.
Alam na rin umano ng incoming senator ang dapat gawin kahit hindi na niya ito utusan dahil malaki ang kanyang tiwala na magagawa nito ang trabaho sa Senado.
Muling iginiit ng Pangulo na magpapatuloy ang kanyang administrasyon sa paglaban ng korapsiyon at iligal na droga habang siya ay nasa katungkulan.
Ipinaliwanag din nito kung bakit militar ang kanyang inilalagay sa posisyon sa ilang mga ahensiya ng gobyerno.
Sa kabilang dako, inungkat din ng Presidente ang umano’y mga pasaway na gumagawa ng hindi mabuti laban sa pamahalaan gaya na lamang ng grupong Kadamay na umaangkin ng mga lupain na hindi nila pag-aari.
Nagbanta ang Presidente na ipahuhuli niya sa militar ang grupo kung muling gagawa ng land grabbing ang mga ito.