Nanguna sa Pulse Asia 2022 national election survey ang tandem na Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at President Rodrigo Duterte para sa pagkapangulo at bise presidente.
Ayon sa Pulse Asia, isinagawa nila ang survey sa 2,400 respondents mula Hunyo 7 hanggang 16.
Lumabas sa face-to-face survey na mayroong 28 percent ng mga respondents ang boboto kay Mayor Duterte-Carpio sa pagkapangulo sakaling gaganapin na ngayon ang halalan.
Pumangalawa naman si Manila Mayor Isko Moreno sa pagkapangulo na mayroong 14 percent na nakuha habang 13 percent naman ang naitala sa survey para kay dating senador “Bongbong” Marcos.
Nakakuha naman ng 10 percent sa pagkangulo si Senator Grace Poe, 8 percent naman kay Senator Manny Pacquiao, 6 percent kay Vice President Leni Robredo at 4 percent kay Senator Panfilo Lacson.
Sa pagka-bise presidente naman ay mayroong 18 percent na nakuha sa survey si Pangulong Duterte habang 14 percent naman si Mayor Isko Moreno.
Sumunod naman sa survey si Senate President Vicente Sotto III na mayroong 10 percent, Pacquiao na mayroong 9 percent, 8 percent naman ang nakuha ni Taguig City- Pateros Rep. Alan Peter Cayetano at 7 percent naman ang nakuha ni Sorsogon Gov. Francis Escudero.