Kinumpirma ng Malacañang na nakarating na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang insidente ng banggaan ng isang Chinese vessel at bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa may Recto Bank nitong nakalipas na Hunyo 9.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, “outraged” o nagalit si Pangulong Duterte sa nangyari lalo na nang abandonahin na lamang sa karagatan ng mga Chinese crew ang mga Pilipinong mangingisda.
Ayon kay Sec. Panelo, sadya namang nakagagalit ang ginawa ng mga Chinese crew na hindi lamang isang uri ng pambu-bully kundi isang barbarikong aksyon.
Kaya naman nananawagan umano ang Malacañang sa gobyerno ng China na imbestigahan ang pangyayaring ito at parusahan ang mga sangkot na Chinese crew.
Hindi pa naman masabi ni Sec. Panelo ang susunod na hakbang ni Pangulong Duterte kasunod ng insidente.
Unang inihayag ni Pangulong Duterte na handa siyang makipagkompromiso sa China pero ibang usapan na kung may nasaktang mangingisda o sundalong Pilipino sa West Philippine Sea.