CEBU CITY – Buo pa rin ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanor Faeldon kahit sa hinaharap nitong kontrobersya.
Sa isinagawang groundbreaking ceremony ng housing project sa Naga City, Cebu, sinabi ng Pangulo na malaki ang kanyang tiwala kay Faeldon dahil sa kabutihan nito.
Pinuri ni Duterte ang dating BuCor director general dahil sya ang nag-tip sa isang cigarrette company na gumagawa umano ng mga pekeng cigarrette tax stamps.
Kung maalala ay tinanggal ni Duterte si Faeldon sa pwesto dahil sa kwestyunableng pagpapalaya ng mga nahatulang kriminal sa bisa ng good conduct time allowance law (GCTA), kabilang na ang tatlo sa mga suspek sa pagpatay ng Chiong sisters.
Samantala dumalo naman sa naturang pagtitipon ang ina ng pinaslang na magkapatid na si Mrs. Thelma Chiong ngunit hindi ito nabigyan ng pagkakataon na magpasalamat nang personal kay Duterte sa ipinatupad na 15-day ultimatum.
Ayon kay Mrs. Chiong, nangako sa kanya si Police Regional Office-7 director Brig. Gen. Debold Sinas na gagawin nila ang lahat upang mahuli ang mga nakalayang convict na sina Josman Aznar, Ariel Balansag, at Alberto Cano.
Maalalang nagbigay ng 15 araw na palugit si Duterte upang sumuko sa pinakamalapit na himpilan ng pulis ang halos 2,000 na convicted criminals matapos itong ginawaran ng GCTA.