-- Advertisements --

Muling nagpahiwatig si Pangulong Rodrigo Duterte ng kahandaang makipag-usap sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Kung maaalala, matagal nang natigil ang usapang pangkapayapaan ng gobyerno at CPP-NPA matapos kanselahin ni Pangulong Duterte.

Sa talumpati kagabi ni Pangulong Duterte sa 8th Infantry Fivision ng Philippine Army sa Camp General Vicente Lukban, Catbalogan, Samar, sinabi nitong walang problema kung kaya na ng rebeldeng grupong makipag-usap ng makatotohanan.

Ayon kay Pangulong Duterte, kaya niyang ibigay ang one third ng hinihingi ng mga rebelde basta ibaba lamang ng mga ito ang kanilang armas, itigil ang pakikipaglaban at bumalik sa negotiating table.

Kahit ang pera ng bayan aniyaay maari niyang hatiin para makatikim naman ng maayos na pamumuhay ang mga miyembro ng rebeldeng grupo.

Dagdag ni Pangulong Duterte na masakit sa kanyang gamitin ang pera para ipambili ng baril at bala dahil kapwa Pilipino rin ang pinapatay sa mga operasyon.

March 2019 nang ianunsyo ni Pangulong Duterte ang permanent termination sa peace talks sa CPP-NPA.

“Kung kaya ninyo makipag-usap, wala akong problema. Just drop your weapon, stop fighting and we will talk. And I can give you right away one-third of what you are asking. One-third, one-third, one-third is one,” ani Pangulong Duterte.

“Maski one-third ibigay ko na sa iyo. Maski ‘yung pera na kakonti-konti para sa ating bayan, paghati-hatian natin ‘yan para gumana naman ang lahat ng buhay ng Pilipino. Pero if you remain to fight, well problema ninyo ‘yan.”