Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya hahayaang magpatuloy ang kakulangan sa supply ng tubig sa Metro Manila.
Sa isang ambush interview sa Malacañang, sinabi ni Pangulong Duterte na handa niyang gamitin ang kanyang extraordinary powers bilang pangulo para solusyunan ito.
Hindi naman idinetalye ni Pangulong Duterte kung ano partikular na gagawin pero kasama umano sa kanyang options ang posibleng pagtake-over ng gobyerno sa mga nangangasiwa sa supply ng tubig at paggamit ng police power of the state.
Ayon kay Pangulong Duterte, pupwede namang maghain ng kaso ang sino mang aalma dito.
Nang matanong kaugnay sa Kaliwa Dam, inihayag ni Pangulong Duterte na kung may reklamo ang mga residente dahil makakasama sa kanilang kapaligiran ang dam, maaari namang maglagay ng safeguards para maiwasan ito.
Ang mas mahalaga umano sa pangulo ay kung ano ang makakabuti sa mas maraming Pilipino.