-- Advertisements --

Ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte si vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. na binatikos kamakailan dahil sa pagtanggi nito na isapubliko ang presyo ng mga bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) na target bilhin ng Pilipinas.

Sa talumpati nito sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Headquarters sa Jolo, Sulu, sinabi ni Pangulong Duterte na handa raw itong itaya ang kanyang pagkapangulo mapatunayan lamang na hindi tiwali si Galvez.

“Ipusta ko ‘yung presidency ko. Walang graft ‘yan at si Secretary Galvez, kilala ko,” wika ni Duterte.

Giit ng presidente, ginagawa raw ni Galvez ang lahat upang matulungan ang bansa na magtagumpay sa laban nito kontra sa pandemya.

Nakita rin aniya nito ang potensyal ni Galvez na magsilbi sa pamahalaan dahil sa papel na ginampanan nito upang tapusin ang Marawi siege noong 2017.

Isa si Galvez sa mga heneral na nanguna sa limang buwang bakbakan laban sa Maute-ISIS terror group na nanalakay sa lungsod ng Marawi.

“Para sa akin I was there in Marawi when we were fighting the Islamists and I saw in him the… Kaya noong pag-retire niya, kinuha ko. Tapos ngayon ito ibinigay ko sa kanya lahat, ‘Ikaw, ikaw lang ang magturo nito’,” dagdag nito.

Una nang kinuwestiyon ng mga mambabatas ang pamahalaan kung bakit nais nitong bilhin ang bakunang gawa ng Chinese company na Sinovac gayong mas mataas ang efficacy rates ng ibang mga vaccine brand.

Batay sa clinical trial na isinagawa sa Brazil, lumalabas na ang efficacy rate ng CoronaVac ng Sinovac ay nasa 50.38%, mas mababa kumpara sa 95% ng ilang brands tulad ng Pfizer-BioNTech at Moderna.