Hindi na umano mangingialam pa sa usapin ng pagpili sa susunod na house speaker si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang talumpati sa oath taking ng mga local officials sa Malacañang, sinabi ni Pangulong Duterte na ayaw na raw nitong dumaan pa sa aniya’y “agony” sa pagpili sa kanyang mga kaibigan bilang susunod na lider ng Kamara.
Kasabay nito, ipinauubaya na lamang ni Pangulong Duterte kay outgoing Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang pagpili sa nais nitong humalili sa kanyang puwesto.
Sina Marinduque Rep. Lord Alan Velasco, Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales, Davao Del Norte Rep. at dating Speaker Pantaleon Alvarez, Leyte Rep.-elect Martin Romualdez, at Taguig City Rep.-elect Alan Peter Cayetano ang naglalaban-laban sa pinakamataas na posisyon sa mababang kapulungan.
“Maski sino Speaker diyan komportable man ako. Basta Pilipino lang,” wika ni Duterte. “You’ll have to decide. You can do it by party affiliation.”
Ayon sa Pangulo, kinausap niya na raw si Arroyo at ang mga kandidato sa pagka-speaker sa thanksgiving party ng Hugpong ng Pagbabago sa lungsod ng Makati nitong Martes ng gabi.
Nagbiro rin ang Punong Ehekutibo na sakaling hindi sundin ni Arroyo ang kanyang hiling ay kanya raw itong ibabalik sa piitan.
Una nang sinabi ng Palasyo na maaaring hindi na iaanunsyo ni Pangulong Duterte ang mapipili nitong House Speaker.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, napag-usapan nila ang House Speakership nina Pangulong Duterte sa Thailand kung saan sinabi nitong “may the best man wins†kaya bahala na ang mga kongresista na pipili ng kanilang lider.
Ayon kay Sec. Panelo, hindi na rin dapat hintayin ng mga contenders kung sino sa kanila ang pipiliin ni Pangulong Duterte kasabay ng pagsasabing lahat naman sila ay parehong kuwalipikado, kaalyado at sumusuporta sa Pangulo.