Hinamon ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro si Pangulong Rodrigo Duterte na totohanin ang banta nitong pagkansela sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa America.
Bagama’t boka ang Pangulo sa pagkansela ng VFA, hanggang sa ngayon ay wala pa rin aniyang nakikitang kongkretong hakbang para pormal nang wakasan ang aniya’y “onerous treaty” na ito.
Iginiit ni Castro na hanggang sa hindi nawawakasan ang VFA patuloy lamang ang Duterte administration sa pag-iwas sa mga hakbang para makamit ang ipinapangakong independent foreign policy.
Bukod dito, patuloy din aniyang hindi kinikilala ng pamahalaan ang sakripsyo ng mga Pilipinong nagbuwis ng buhay makamit lamang ang kalayaan ng bansa noong Filipino-American war.
Samantala, sa pagkansela ng VFA ay nananawagan si Castro kay Pangulong Duterte na huwag nang pumasok sa kaparehas na kasunduan sa iba pang mga bansa tulad ng China.
Sa kabilang dako, kumbensido si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na palabas lamang ni Pangulong Duterte ang banta nitong kanselahin ang Visiting Forces Agreement.
Tinukoy ni Brosas na tuloy pa rin naman ang isang buwang joint exercises sa pagitan ng tropa ng Pilipinas at Estados Unidos sa Puerto Princesa mula noong Enero 26 hanggang Pebrero 23.
Patunay lamang aniya ito na ilihis ang atensyon ng publiko sa pagtaas ng bilang ng mga human rights violations sa ilalim ng Duterte administration.
Ayon kay Castro, nais lamang din ni Duterte na matiyak ang mas marami pang concessions at military support sa Estados Unidos sa ginawang pagbabanta nito habang kumukubra rin sa pakikipagkaibigan sa China.
Iginiit ng kongresista na tanging ang US lamang ang nagbenepisyo sa VFA habang ang Pilipinas naman ay nanantiling bulag sa mga pang-aabuso ng tropa ng America.