Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senator Manny Pacquiao na ituro sa kaniya kung saan ahensiya ang sinasabi nitong may pinakagrabeng nangyayaring kurapsyon.
Sa weekly address ng pangulo sinabi nito na agad siyang gagalaw kapag maituro ng senador ang ahensiya at mga taong may nangyayaring kurapsyon.
“Si Pacquiao salita nang salita na three times daw tayong mas corrupt so I am challenging him, ituro mo ang opisina na corrupt at ako na ang bahala within one week may gawin ako.. “Do not ever think that if you will win as president na wala nang corruption dito sa Pilipinas,” wika pa ng pangulo.
Reaksyon ito ng chief executive sa nasambit ng senador na tatlong beses na mas grabe ang kurapsyon ngayon sa administrasyon ni Pangulong Duterte.
Si Pacquiao ay kasalukuyang pangulo ng PDP-Laban habang chairman naman ng partido si Pangulong Duterte.
Nagbanta rin ang pangulo na sakaling tumakbo sa pagka-presidente si Pacquiao mismong siya ang magkakampanya na ‘wag itong iboto ng taongbayan dahil sa pagiging “sinungaling.”