-- Advertisements --
Duterte SONA
Duterte

Kinumpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinal na ang desisyong hindi siya mag-eendorso ng House Speaker.

Sinabi ni Pangulong Duterte na nakausap na niya ang tatlong aspirants na sina dating Foreign Affairs Secretary at ngayon ay Taguig Rep. Alan Peter Cayetano, Marinduque Rep. Lord Alan Velasco at Leyte Rep. Martin Romualdez pero hindi sila nagkasundo sa term sharing.

Ayon kay Pangulong Duterte, parehong kaibigan, kaalyado at malapit sa kanya ang tatlo kaya ayaw niyang magalit o masaktan ang hindi niya iendorso.

Nilinaw naman ni Pangulong Duterte na bago pa ang eleksyon nitong Mayo, wala siyang pinangakuan sa tatlo na ieendorso nitong speaker.

Kaya “labu-labo” daw muna sila at bahala na kung sino ang makakauha ng sapat na numero sa Kamara para maging speaker.

Tiniyak din ni Pangulong Duterte na wala siyang gagawing pailalim o patagong pagsuporta o pag-endorso sa isa kina Cayetano, Velasco at Romualdez, bagkus kanya-kanya na silang panliligaw sa kanilang kasamahan sa Kamara.