Hindi umano interesado si Pangulong Rodrigo Duterte na sampahan pa ng kaso ang mga nasa likod ng pagpapatalsik sa kaniya.
Isinagawa ng Pangulo ang anunsiyo sa kaniyang talumpati sa campaign rally na ginanap kagabi sa bayan ng Garcia-Hernandez sa Bohol.
Ayon sa Presidente, lalabas din ang katotohanan kung sino ang nasa likod sa mga nagpalabas ng black propaganda.
Reaksyon ito ng Pangulong Duterte sa inilabas ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na diagram na nagpapakita ng ilang indibidwal na sangkot umano sa planong pagpapatalsik sa chief executive.
Una nang ibinulgar ng Malacañang ang ilang grupo at personalidad na umano’y nasa likod ng Bikoy video para siraan ang Duterte administration.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kabilang sa mga nagsasabwatan sa black propaganda laban sa Duterte administration ang Liberal Party, Dilawan, Magdalo at media personalities.
Ayon kay Sec. Panelo, maliban sa pagsira sa Administrasyon, layunin din ng propaganda na isulong ang kandidatura ng mga senatorial candidates ng Otso Diretso.
Dito naglabas ng diagram si Sec. Panelo kasama si Communications Sec. Martin Andanar kaugnay sa mga grupo at personalidad na nagsasabwatan laban sa administrasyon.
Kabilang sa mga pangalang lumabas sa diagram ay sina Sen. Antonio Trillanes III, publisher na si Ellen Tordesillas, dating Presidential Spokesman Edwin Lacierda, Cocoy Dayao, CPP-NPA founding chairman Joma Sison, Bong Banal, Arman Potejos at si Rodel Jayme na una nang naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ang nasabing impormasyon natanggap umano mismo ng Office of the President (OP) at dumaan sa beripikasyon.
Inamin naman ni Sec. Panelo na wala silang impormasyon na may military component o suporta ng militar sa nasabing conspiracy laban sa Duterte administration.
Ipinauubaya na rin ng Palasyo kay Justice Sec. Meynardo Guevarra na magdetermina kung nararapat silang kasuhan.