Iginiit ng Malacañang na walang dahilan para humingi ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Sec. Harry Roque, wala namang sinabi si Pangulong Duterte na ginamit ni VP Robredo ang eroplano ng gobyerno para maghatid ng tulong sa mga bikitma ng kalamidad sa Bicol region.
Ayon kay Sec. Roque, kina Defense Sec. Delfin Loreanza aniya at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo nanggaling ang mga salitang ito.
Ipinakita na umano ng dalawang Cabinet members ang pagiging tunay nilang maginoo dahil matapos mapagtanto ang kanilang kamalian ay agad silang humingi ng paumanhin kay VP Robredo.
Ang mga tinuran umano ni Pangulong Duterte ay nag-ugat sa mga tweet ni VP Robredo na mistulang ipinamumukha sa taongbayan na siya ang nagpapakilos ng mga asset ng pamahalaan, gayundin mula sa naging pahayag ng tagapagsalita ng bise presidente na si Atty. Barry Guttierrez.
Mayroon din umanong mga tweet ang mismong mga anak ni VP Robredo kaugnay sa pagpalagay nila kung nasaan ang pangulo noong kasagsagan ng bagyo.
Inihayag ni Sec. Roque na sa ngayon ay nailabas na ni Pangulong Duterte ang kanyang saloobin at hindi naman nito inisip na si VP Robredo ang nasa likod ng “#NasaanAngPangulo” tweets.