-- Advertisements --

Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi pa hinihingi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang rekomendasyon kung kailangan ng magdeklara ng Martial Law sa Negros Oriental kasunod ng mga serye ng patayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni B/Gen. Edgar Arevalo na ang AFP ay isa lamang sa mga kinukunan ng rekomendasyon ni Pangulong Duterte kaugnay sa sitwasyon sa ground.

Ayon kay Gen. Arevalo, sa ngayon ang kanilang commitment ay puspusang pagtulong sa PNP para matigil ang karahasan, maimbestigahan ang mga patayan at maiharap sa hustisya ang mga responsable rito.

Kumbinsido naman si Gen. Arevalo na karamihan sa mga patayan ay kagagawan ng New People’s Army (NPA) kung saan inaamin naman nila lalo ang pagpatay sa apat na pulis.

Inihayag ni Gen. Arevalo na sa bandang huli, nasa diskresyon ni Pangulong Duterte na siyang commander-in-chief kung kailangang magdeklara ng Martial Law sa lalawigan.