CENTRAL MINDANAO – Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na hawakan ang Philippine National Police (PNP) sa susunod na dalawang taon o hanggang sa bumaba na silang dalawa sa pwesto.
Ito ang pahayag ng Presidente sa kanyang pagbisita sa mga biktima ng lindol sa M’lang, North Cotabato.
Direktang Sinabi ni Duterte kay Año na ayusin ang hanay ng pulisya nang sa gayon ay pagbababa na nila sa pwesto ay hindi na ganoon kabigat ang problema ng mga Pilipino.
Bago nito, nagsumite na si Año sa Pangulo ng shortlist ng napupusuan niyang maging susunod na PNP chief matapos na magbitiw sa pwesto si dating PNP chief Oscar Albayalde dahil sa isyu ng ninja cops.
Mababatid na makailang beses nang binanggit ng Presidente na wala pa syang papangalanang bagong hepe ng pambansang pulisya dahil humahanap pa sya ng tapat na indibidwal para pamunuan ito.
Nagbanta rin si Pangulong Duterte na i-take over ang hanay ng pulisya.
Sa ngayon ay pinamumunuan ni Lt Gen. Archie Francisco Gamboa ang PNP bilang officer-in-charge.