-- Advertisements --

Hiniling ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga tagasuporta na huwag nang makialam sa kanyang kaso sa International Criminal Court (ICC), ayon ‘yan kay Vice Presidente Sara Duterte.

Sa isang pahayag, sinabi ni VP Sara na ito ang mensahe ng kanyang ama na ipinaabot sa kanyang abogado, dahil hindi sila nagkita noong Marso 28.

Ayon kay Sara, sinabi ng dating pangulo na ang kanyang legal team at ang korte ang dapat humarap sa mga proseso ng kaso nang walang labis na impluwensiya mula sa labas. Binanggit din ni FPRRD na huwag pag-usapan ang kaso sa publiko, lalo na ang tungkol sa mga complainants sa ICC.

Bilang alternatibo, hinikayat ni FPRRD ang kanyang mga tagasuporta na tumulong sa mga kandidato ng PDP-Laban sa nalalapit na halalan sa Mayo.

Samantala sinabi naman ni VP Sara na may mga nakatakdang rally sana ang kanyang ama para sa mga kandidato bago siya arestuhin at sumuko sa ICC noong Marso 11, ngunit hindi na siya makakapagkampanya.

Si Duterte ay kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC dahil sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng kanyang administrasyon.